2 bebot na salisi sa Simbahan, arestado

MANILA, Philippines – Nagtapos ang paglapasta­ngan ng dalawang babae na sina­sabing miyembro ng “Salisi Gang” na nag-ooperate sa loob mismo ng Simbahan makara­ang ipaaresto ng isang ginang na kanilang biniktima, kama­kalawa ng hapon sa Mandalu­yong City.

Nakilala ang mga nadakip na sina Lydia Perez, 55, ng Las Piñas City; at Moldy dela Cruz, 51, ng Sampaloc, Manila. Naka­­­­t­akas naman ang sinasabing li­der nila na kinilala sa alyas “Bakla”.

Ipinaaresto ang dalawa ng biktimang si Diana Navera, 55, ng Kawilihan Village, Pasig City.

Sa ulat ng Mandaluyong po­lice, naganap ang pag-aresto sa mga suspek dakong alas-6 ng hapon sa loob ng Sanctuario de San Jose church sa East Green­hills, Mandaluyong. Ayon kay Navera, nagdarasal umano siya nang tumabi sa kanya ang isa sa mga suspek hanggang sa maramdaman niya na may dumudukot sa loob ng kanyang handbag. Nang kanyang ting­nan, ang bag ay nawawala na ang kanyang pitaka.

Agad namang humingi ng tulong si Navera sa mga secu­rity guard ng naturang Simba­han na siyang dumakip sa dalawang babae na itinuro ng biktima hanggang sa mareko­ber ang nawawalang pitaka. (Danilo Garcia)


Show comments