MANILA, Philippines – Isinailalim ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sarili nilang chemical analysis ang hydrogel na ipinasok sa katawan ng isang 40-anyos na negosyante upang matukoy kung ito ang naging sanhi ng pagkabingit sa kamatayan nito bunga ng mga komplikasyon.
Kasalukuyan pa ring nakaratay sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City ang pasyenteng si Josefina Norcio, na dumaranas ngayon ng matinding karamdaman na dulot umano ng hydrogel butt implant na isinagawa ng Belo Clinic. Siya ay patuloy na sumasailalim sa serye ng operasyon upang matanggal sa katawan ang kumalat na hydrogel na naka-impeksiyon sa kanya.
Ayon kay Head Agent Ross Bautista, executive officer ng Office of Deputy Director for Intelligence Services (DDIS), nag-usap na sila ng dating doktor ng Belo Medical Group (BMG) na nagsagawa ng elective surgery sa implant kay Norcio.
Nabatid na si Dr. Francis Decangchon ang nasabing doktor ni Norcio ay nakatakdang lumutang sa NBI para magbigay linaw sa akusasyon laban sa kaniya.
Nagsasagawa na umano ng chemical analysis ang NBI Chemistry Division sa inalis na samples ng hydrogel sa puwet ng negosyante.
Sisentro ang NBI sa pagtukoy kung may criminal liabilities ang mga doctor at ang BMG, maging si Dr. Vicki Belo na siya mismo umanong nag-assess sa medical condition ni Norcio bago siya ipinasa sa mga doctor nito upang isailalim sa butt implant noong 2005. (Ludy Bermudo)