MANILA, Philippines – Pinasabugan ng dalawang hindi nakikilalang lalaki lulan ng motorsiklo ang isang banko kahapon ng umaga sa Valenzuela City.
Basag-basag ang mga salamin sa ATM machine ng Union Bank, na matatagpuan sa kahabaan ng MacArthur Highway, Brgy. Marulas ng nabanggit na lungsod.
Lumalabas sa inisyal na report ng Valenzuela City Police, dakong alas-5:25 ng umaga nang hagisan ng hinihinalang pillbox ang nasabing banko. Nabatid na nakasakay umano ng motorsiklo ang dalawang suspek na mabilis na nagsitakas.
Masusing iniimbestigahan pa ng pulisya ang nabanggit na insidente.
Matatandaan, na noong nakalipas na Sabado ng gabi, magkasunod na hinagisan ng mga hindi pa rin nakikilalang suspek ang sangay ng Allied Bank sa MacArthur Highway ng nabanggit na lungsod, gayundin ang Allied Bank sa panulukan ng Bustamante St. at Rizal Avenue Ext., Caloocan City kung saan nabasag din ang mga salamin nito.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente, inaalam din ng pulisya kung iisang grupo ang gumagawa nito at kung ano ang motibo.