MANILA, Philippines - Mistulang hayop na itinuring ng isang 35-anyos na ginang ang dalawang menor-de-edad nitong kasambahay matapos ang walang pasubaling pambubugbog ng una sa mga huli, sa Sampaloc, Maynila.
Ang mga biktimang sina Jenalyn Calambro at Liza Mirante, kapwa 17-anyos at tubong Iloilo City ay naghain ng reklamo sa Manila Police District-Station 4-Women and Children’s Protection Desk, laban sa among si Joana Velez, 35, ng Vicente Cruz St., Sampaloc, dahil sa umano’y matinding pagmamaltrato nito sa kanila simula noong sila ay manilbihan dito noong Hulyo 8, 2008.
Anila, madalas silang pagbuhatan ng kamay ni Velez tulad ng pananampal, pagkurot sa buo nilang katawan, kung saan pati ang maselang bahagi ng dibdib nila ay nais nitong punitin. Pinainom din umano sila ni Velez ng dalawang basong ihi nang matiyempuhan nitong may lamang ihi ang inidoro.
Sinusuntok din umano sila ng naturang amo sa sikmura sa oras na hindi na nila maubos ang mga tira-tirang pagkain at kapag sila ay nasuka na ay ipapakain din sa kanila ito.
Noong March, 2009 ay binuhusan umano ng suspek si Calambro ng mainit na tubig sa kanyang likuran na naging sanhi para malapnos nang husto ang balat nito. Dahil din sa sobrang bugbog na ginagawa ni Velez sa mga biktima ay naapektuhan ang daloy ng dugo ng mga ito kaya limang buwan na umano silang hindi dinaratnan ng buwanang dalaw.
Sa loob ng isang taong paninilbihan ay P4,000 lang umano ang ibinigay na suweldo kay Calambro at P6,000 naman kay Mirante. Anila, pinilit nilang makatakas kay Velez sa kabila ng pananakot nito na pati ang ka nilang pamilya sa probinsiya ay gagantihan nito sa oras na sila ay tumakas. Nahaharap sa kasong paglabag sa Child Abuse Law at Maltreatment ang naturang suspek.