MANILA, Philippines - Umapela kahapon sa pamahalaan ang isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magpatupad ng total ban laban sa paggamit ng nakalalasong silver cleaner o kemikal na ginagamit na panlinis ng silver jewelry.
Nabatid na umapela sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Caloocan Bishop Deogracias Iniguez na ipagbawal na ang paggamit ng “cyanide-laced silver jewelry cleaning agents” kasunod ng mga ulat na “paborito” na ito ngayong inumin ng mga taong nais na wakasan ang sariling buhay bunsod nang di makayanang problema.
Ayon kay Iniguez, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng CBCP, mariing kinukondena ng Simbahang Katoliko ang anumang uri ng pagpapakamatay dahil ito’y labag sa katuruan ng simbahan.
Nakikiisa rin aniya siya sa panawagan ng EcoWaste Coalition laban sa paggamit ng silver jewelry cleaners.
Batay sa rekord ng pulisya, kalimitan na silver cleaner ang iniinom ngayon ng mga taong nais na magpakamatay dala ng mabigat ng problema sa buhay habang ang iba naman ay nagbibigti, at nagbabaril sa sarili.
May ilan din umanong kasong naitatala na namatay matapos na aksidenteng makainom ng silver cleaner, at karamihan sa mga ito ay mga paslit. Maliban sa panganib sa tao, mapanganib din umano sa aquatice life ang cyanide.