'Nabaligtad' na pulis, nagpasaklolo kay Lim
MANILA, Philippines - Humihingi ng tulong kay Manila Mayor Alfredo Lim ang ilang pulis-Maynila na ‘naiipit’ ngayon sa imbestigasyon, matapos na mabaligtad ang sitwasyon sa pagmamaniobra ng ilang opisyal upang palayain ang isang Chinese national na sangkot sa pagbebenta ng pekeng mga ‘Viagra’ tablets.
Ayon sa mga police officers na hindi muna lumantad, nagtataka sila kung bakit sa kanila ibinubunton ang imbestigasyon, sa halip na idiin ang mga nag-lobby na opisyal ng Manila Police District (MPD) dahil sa ginamit na impluwensiya at pag-‘name drop’ sa mga pangalan nina Mayor Alfredo S. Lim at iba pang dating matataas na opisyal ng MPD
Nabatid na si Jimmy Chua, 21, ay dinakip bunsod ng entrapment operation na isinagawa ng mga pulis matapos inguso ito na ‘supplier’ umano ng isang lalaking vendor na una nang inaresto sa pagtitinda ng pekeng Viagra. Dahil dito, tumayong poseur-buyer ang ilang pulis at nakabili umano mismo kay Chua, sa tindahan nito na matatagpuan sa Benavidez St. sa Binondo.
Subalit ng dinala sa MPD headquarters, lumutang umano ang isang major ng MPD Station 11 at kinausap nito ang isang SPO4 Danny Anselmo, tinakot umano ito na palayain si Chua na agad namang inutos nito (Anselmo) sa mga arresting officers.
Sa blotter ng MPD, nakita ng media na may pinirmahan si Morales, na nasa ilalim ng pamumuno ni P/Supt. Nelson Yabut at nagsasaad na ‘no monetary consideration’ ang pagpapalaya kay Chua sa kaniyang kustodiya “Where is justice here? Nagtrabaho kami ng maayos, kami ang ginamit at binukulan tapos ngayon kami pa ang iniipit?” pahayag ng mga pulis. (Doris Franche)
- Latest
- Trending