Tresurero ng transport group nilooban na, pinatay pa
MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang treasurer ng isang transport group ng tatlong hinihinalang miyembro ng akyat-bahay gang, kung saan tinangka pang gahasain ang anak na dalaga ng una matapos looban ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City. Kaagad na nasawi ang biktimang si Hector Elpedio, 44, ng Longbeach sa panulukan ng Amsterdam St., Richview 1, Camella Homes, Brgy. Tunasan ng lungsod na ito. Si Elpedio ay treasurer ito ng GT Express Victoria transport group ay nasawi sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Bukod dito, binanggit pa sa ulat na tinangka pa umanong halayin ng mga suspect ang anak ng nasawi na si Marjorie, 22.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa loob ng bahay ng mga biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid na kumatok ang mga suspek sa bahay ng mga biktima at nang buksan ng kasambahay ay puwersahan nang pumasok ang mga armadong suspect. Agad na tinutukan sila ng baril at sinimulan ng samsamin ang mga salapi, alahas at iba pang personal na gamit na mapapakinabangan.
Kinaladkad umano ng isa sa mga suspect si Hector sa loob ng masters bedroom bago binaril sa ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan, habang ang isa nama’y pinasok sa loob ng silid ang dalagang anak ng biktima at tinangka pang halayin.
Napag-alaman pa rin na ang asawa ni Elpedio na si Teresita, 44, ay isa namang vault custodian ng isang bahay-sanglaan.
Iniutos naman ni Senior Supt. Elmer Jamias, hepe ng Muntinlupa City Police ang malalim na pagsisiyasat sa kaso dahil posibleng target lamang ng mga salarin na paslangin si Hector at pinalilitaw na pagnanakaw lamang ang dahilan upang mailigaw ang imbestigasyon ng pulisya.
Napag-alaman na bago naganap ang pamamaslang, nagkaroon umano ng pagpupulong ang mga opisyal at miyembro ng GT Express at ilan sa mga tinalakay ay ang pagkuwestiyon sa pondong hinahawakan ng biktima. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending