MANILA, Philippines - Maraming mga maton o siga at tambay sa Tondo, Manila ang nabigyan ng trabaho sa ilalim ng proyektong Tondomium ng Metro Manila Development Authority.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno sa isang pahayag na nahimok nila ang karamihan sa mga dating hoodlum ng Tondo na ibaling sa maganda at maayos na kinabukasan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa kanilang ahensiya.
Sinabi ni Nacianceno na bukod, sa magkakaroon na ng regular na sahod ang mga dating hoodlum at tambay sa lansangan, hindi na rin sila kinakailangan pang lumayo sa kanilang lugar dahil sa mismong malapit na lugar na tinitirhan nila sila magtatrabaho bilang mason, tubero, karpintero at iba pang uri kung saan sila bihasa.
“Ito ang tinatawag na character change, sa halip na tumambay-tambay lang sila, mangikil at manakot sa mga tahimik na mamamayan, ngayon ay may tiyak na silang pagkakakitaan at tiyak na magiging daan tungo sa kanilang pagbabago sa kanilang katauhan,” dugtong pa ni Nacianceno. (Lordeth Bonilla)