Seguridad sa SONA, QCPD handa na
MANILA, Philippines - Kasabay ng masusing imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa sunud-sunod na bomb scare sa tanggapan ng Ombudsman at Department of Agriculture ay tiniyak din ng pamunuan ang seguridad sa isasagawang State of the Nation Address ( SONA) ni Pangulong Gloria Arroyo sa Hulyo 27.
Ito ang inihayag ni QCPD director, Chief Supt. Elmo San Diego sa isang press conference kahapon sa Camp Karingal kasama ang mga security officers sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga establisimento sa lungsod.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni San Diego ang mga security officers na maging alerto sa mga estranghero na aali-aligid sa binabantayang ahensiya ng pamahalaan pati na ang mga pribadong establisimiyento sa lunsod.
Bukod dito, tinuruan din ni San Diego ang mga security officers hinggil sa posibleng pag-atake ng mga masasamang-loob, pagsupil sa modus operandi ng sindikato, paglaban at pagsagot sa banta sa pamamagitan ng tawag sa telepono pati na ang pagresponde sa bomb threat.
Sinabi ni San Diego, handang-handa na ang mga tauhan ng QCPD sa SONA pati na ang re-routing ng trapiko ay nakakasa na at ang ibang mga sorpresa pagbabantay sa seguridad sa Batasan complex.
Kasabay naman nito, pinaghahandaan na ng mga militanteng grupo ang isasagawa nilang malaking protesta ka sabay sa SONA ng Pangulo. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending