Hospital director sinibak
MANILA, Philippines - Tinanggal ni Manila Mayor Alfredo Lim sa tungkulin ang director ng Gat. Bonifacio Memorial and Medical Center na nasa Del Pan, Tondo sa lunsod na ito matapos umano nitong tanggihan ang isang babaeng buntis na nanganak noong nakaraang buwan.
Ipinalit kay Dr. Evangeline Morales ang director ng Ospital ng Maynila na si Dr. Fidel Chua. Ililipat naman si Morales sa Manila Health Department.
Mismong sa People’s Day ipinahayag ni Lim ang pagkakatanggal kay Morales dahil tumanggi itong tanggapin sa naturang ospital ang isang pasyenteng si Leslie dela Fiesta, 17-anyos, ng Gagalangin, Tondo noong Hunyo 26.
Sinabi ni Lim na may nakarating sa kanyang report na nakalabas na umano ang ulo ng sanggol ni dela Fiesta subalit hindi pa rin ito tinanggap sa nasabing ospital sa dahilang hindi ito doon nagpapa-check up.
Idiniin ni Lim na mahigpit ang kanyang kautusan na, pagdating ng emergency, walang pasyenteng tatanggihan at sa halip ay kailangan na bigyan ng medical attention.
Pinabulaanan ni Morales ang akusasyon kasabay ng pahayag na hindi niya tatanggapin ang puwesto sa MHD dahil alam niya ang kanyang kapasidad.
- Latest
- Trending