Bus vs bus: 14 pasahero sugatan
MANILA, Philippines – Labing-apat katao ang nasugatan matapos na magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng Edsa partikular sa may Santolan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga biktima na pawang mga pasahero ng bus ay itinakbo sa East Avenue Medical Center (EAMC) matapos na magtamo ng mga galos, bukol at sugat sa kanilang mga ulo, mukha at katawan.
Ayon sa inisyal na ulat ng kagawaran, ang nagsalpukang mga bus ay ang Kingsam (TWG-264) na minamaneho ng isang Jerry Corpuz at (TYK-488) na minamaneho ni Miguel Zebbaria.
Sinasabing pawang mga sakay ng naturang mga bus ang mga biktima at tinatahak ang North bound lane sa kahabaan ng Edsa partikular sa may gate 5 ng Santolan ganap na alas-10:15 ng gabi nang magsalpukan ang mga ito matapos magitgitan. Dahil sa lakas ng pagkakasalpok kapwa bumalandra ang mga bus sa gilid ng Edsa kung saan nagkabasag-basag ang mga salamin ng kanilang mga sasakyan.
Ayon sa ilang pasahero, mabilis ang takbo ng kanilang sinasakyang bus kung kaya naman malakas din ang hampas ng kanilang katawan nang sila ay mabangga. Habang ang mga driver ng nagsalpukang mga bus ay hawak na ng pamunuan ng District Traffic Enforcement Unit para sa kaukulang imbestigasyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending