MANILA, Philippines – Patay sa ‘hit and run’ ang isang kagawad ng Manila Police District -Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU) nang mahagip ng isang ten wheeler truck ang minamaneho nitong motorsiklo, kahapon ng umaga, sa Ermita, Maynila.
Dead-on-arrival sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si SPO2 Ferdie Alejandrino, ng Lico st., cor., Cavite St., Sta. Cruz Maynila.
Sa ulat ni Sr. Insp. Roberto Carlos Baldivas, hepe ng MPD-TEU, basag ang bungo ng kaniyang tauhan bunga ng pagkasagasa ng ten-wheeler truck (XBS-232) na minamaneho ng suspek na si Emmanuel David, 44, ng Brgy. Paltik Dinggalan Aurora.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Demetrio Bunguin, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga sa San Marcelino St., cor. U.N Ave., Ermita Maynila.
Sakay umano ng motorsiklo (DN-3881) ang biktima matapos manggaling sa MPD-TEU patungo sanang National Capital Region Office (NCRPO) sa Bicutan upang dumalo sa hearing nang mahagip ng ten wheeler truck.
Sinabi ng saksing si Joselito Atienza, taxi driver, nakita niya na matapos mahagip ng truck ay tumilapon mula sa minamanehong motor ang biktima. Sa halip na hintuan ng suspek ay tuloy-tuloy lamang sa pagpapatakbo.
Dahil sa pagmamagandang-loob ng driver na si Atienza, nasundan niya hanggang sa ipaharang ang truck sa bahagi ng Osmeña Highway at inaresto naman ang suspect ni Traffic Enforcer Ehrwin Ferrer.
Patuloy na itinatanggi ng suspek na nasagasaan niya ang pulis dahil wala umano siyang narandaman.
“Wala po talaga akong nasagasaan at hindi ko siya nakita” pahayag ng suspek. (Ludy Bermudo)