MANILA, Philippines – Nagbanta kahapon ang grupo ng Motorcycle Philippine Federation (MPF) na ihaharang nila sa iba’t ibang lansangan ng Kalakhang Maynila ang humigit-kumulang sa 30,000 motorsiklo bilang protesta kapag ipinursige umano ng pamahalaan ang “No Election” (NoEl).
Nabatid na ang bantang isasagawang kilos-protesta sa kalsada ng naturang grupo ay kaugnay sa posible umanong pagsusulong ng “No Election” scenario sa darating na 2010 election
Ayon kay Jojo Medina, presidente ng MPF, ang biglaang pagbawi ng Total Information Management Corp. (TIM) sa kanilang partisipasyon sa poll automation sa 2010 ay isang senyales na hindi matutuloy ang napipin tong halalan sa bansa.
Bagama’t pangunahing layunin ng grupo ang pagsusulong ng safety measures sa mga gumagamit ng motorsiklo, hinikayat ni Medina ang buong motorcycle community na magpa-rehistro at makiisa sa darating na halalan.
Giit pa ni Medina na may kabuuang 486,000 sa buong bansa ang naka-rehistrong miyembro ng kanilang samahan na labis na tumututol para sa “term extension” ng mga opisyal ng ating pamahalaan. (Rose Tamayo-Tesoro)