MANILA, Philippines – Patay ang isang 39-anyos na lalaki makaraang barilin ng sumpak ng kanyang bayaw na nagalit dahil sa ginagawang pananakit ng una sa isang paslit, kamakalawa ng hapon sa Pasig City.
Idineklarang dead-upon- arrival sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktimang nakilalang si Jaime Flores Jr., ng M. de Leon St., Santolan, Pasig. Nabatid na halos mawakwak ang kaliwang bahagi ng dibdib nito dahil sa tama ng sumpak.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Manuel Pache, 43, driver, at nakatira rin sa iisang bahay kasama ang biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng kanilang bahay.
Nabatid unang sinita ng suspek ang bayaw nito na nakainom umano ng alak sa ginawang pananakit sa 9-anyos na pamangking lalaki.
Nagresulta ito sa pagtatalo ng magbayaw hanggang sa magkahamunan ng away. Dito na naglabas ng sumpak ang suspek at agad na binaril ang biktima nang malapitan sa katawan sanhi ng agad nitong kamatayan. Tinangka pang tumakas ng suspek makaraan ang pamamaril ngunit agad rin namang itong nasakote ng mga tanod ng barangay at tauhan ng Police Community Precinct (PCP) sa naturang lugar.
Bagama’t nagsisisi, nahaharap ngayon ang suspek sa kasong homicide sa Pasig prosecutor’s office. (Danilo Garcia)