MANILA, Philippines – Tatlo sa limang holdaper na nagtangkang mangholdap sa isang hardware ang nabaril at napatay ng mga tauhan ng pulisya kahapon sa Quezon City.
Base sa report ni P/Supt. Alex Sintin, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang tangkaing holdapin ng mga suspek ang isang hardware sa Road 20, Project 8, Quezon City.
Dahil sa tip na kahina-hinalang kilos ng mga suspect ay agad na rumesponde ang pulisya sa lugar at doon nga nadatnan ang limang suspect.
Sinita ng mga pulis ang mga suspect na sa halip na sumuko ay mabilis na nagsisakay sa dala nilang dalawang motorsiklo para magsitakas kasabay nang pagpapaputok ng baril sa mga pulis.
Nagkaroon ng ilang minutong habulan at pagpapalitan ng putok hanggang sa bumulagta ang tatlo sa mga suspect samantalang nakatakas naman ang dalawang kasamahan ng mga ito.
Inaalam pa ng pulisya kung saang grupo kabilang ang mga nasawi.