Arabo natagpuang patay sa hotel
MANILA, Philippines - Isang 87-anyos na Arabian national ang natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang inokupahang unit sa isang hotel, kamakalawa ng gabi, sa Malate, Maynila.
Ang biktima ay kinilalang si Nasser Alreshoud, ng Damman, Saudi Arabia at pansamantalang nanunuluyan sa Room 301 Orchid Garden Suites, Pablo Ocampo St., Malate.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11:25 ng gabi nang matuklasan ang bangkay ng dayuhan sa loob ng kanyang kuwarto.
Sinabi ng isang Pablo Torio, night duty manager ng Orchid Garden Suites na wala pang isang oras ay nagsabi sa kanya ang Arabo na naninikip ang dibdib at nahihirapang huminga kaya hinimok niya na magpa-check-up muna subalit tumanggi umano ito at nagpahinga na lamang. Bukod pa rito, hiniling din umano ni Torio sa biktima na huwag na lamang i-lock ang pintuan upang mabisita siya ng tatawaging doktor sa kanyang pakiramdam.
Nang silipin ni Torio ang biktima ay nakita niyang nakalugmok ito sa kama at nadiskubreng patay na.
Ipinarating na rin ng pulisya sa kanilang embahada ang kaso kaya nasa kostudya na ng Saudi Arabian Embassy ang mga labi nito nang kunin ni Mo hammad Alih Abosharha, third secretary ng embahada. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending