MANILA, Philippines - Pinatay o nagpakamatay?
Ito ang palaisipan ngayon sa mga awtoridad hinggil sa isang estudyante ng Far Eastern University (FEU) na umano’y nahulog mula ika-6 na palapag ng isang gusali na agad nitong ikinamatay sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima base sa nakuhang isang identification card (ID) na si Benjamin Peralta III, umano’y estudyante sa naturang paaralan.
Sa ulat ng pulisya sa Station 10 ng QCPD, ang biktima ay natagpuan na lamang walang buhay ng guwardiyang si Renante Manaog, 28, na nakasalampak sa ground floor ng gusali ng Victoria Tower na matatagpuan sa Timog Avenue, corner Panay Avenue, Brgy Pinagkaisahan sa lungsod ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Ayon sa inisyal na ulat ni PO3 Bobby Castillo, bago ang insidente nagpapatrulya umano si Manaog sa nasabing gusali na may 18 palapag nang makarinig ito ng malakas na kalabog mula sa ground floor nito.
Agad na pinuntahan ni Manaog ang nasabing lugar kung saan nito natagpuan ang walang buhay na katawan ng biktima.
Sa pagsisiyasat nabatid ng pamunuan na ang biktima ay nagmula sa ika-6 na palapag ng nasabing gusali partikular sa Penthouse B-01 kung saan hinihinala nilang tumalon ito.
Subalit napag-alaman sa mga security guard na bago ang insidente ay may narinig silang nag-iinuman sa nasabing kuwarto na kinabibilangan ng biktima at ilang mga bisita dito.
Dahil dito, hinihinala ng mga awtoridad na posibleng may foul play sa insidente at hindi isang kaso ng pagpapakamatay lamang kung kaya patuloy ang imbestigasyon ang kanilang ginagawa hingil sa insidente.