Motorsiklo vs van: Misis patay

MANILA, Philippines – Isang 30-anyos na misis ang nasawi, habang sugatan naman ang mister nito maka­raang mabundol ang sinasakyan nilang motor­siklo ng isang rumaragasang van sa lungsod ng Quezon City.

Kinilala ang nasawi na si Mila Suriaga, 30, residente sa Magdiwang Queensrow, Molino Bacoor, Cavite, habang sugatan naman ang mister nitong si Rey Suriaga, 34. Hawak naman ng awtoridad ang naka­bundol na driver na si Leopoldo Dionisio Jr., 38, ng Sun Valley, Para­ñaque City para sa ka­ukulang imbestigasyon.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may southbound lane ng Libis partikular sa harap ng Shopwise supermarket sa lungsod ganap na alas-2 ng hapon.

Sinasabing kapwa tinatahak ng motorsiklo (2956PM) sakay ang mag-asawa at ng Isuzu Aluminum van (WNH-145) ang nasabing lugar nang biglang huminto ang una para gumawi sa pedestrian lane.

Sa biglang pagpuwesto ng motorsiklo ng mga biktima sa nasabing linya ay tiyempo namang dumarating ang sasakyan ni Dionisio at tumbukin ang huling bahagi ng sinasakyan ng mga una.

Sa pagkakabangga ay sumadsad ang sasakyan ng mga biktima sa simentadong kalsada na naging sanhi upang magtamo ng matinding injury ang ginang sa ulo habang sugatan naman ang asawa nito.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide at physical injury laban sa suspek. (Ricky Tulipat)


Show comments