Ama na pumatay sa anak timbog
MANILA, Philippines – Dahil sa pagmamalasakit sa kapwa, inginuso kahapon ng tatlong kapitbahay ang isang ama na dating overseas Filipino worker (OFW) at ibinuking ang ginawang pagpatay ng huli sa kanyang 14-anyos na anak na lalaki, kamakalawa ng umaga sa Makati City.
Inakala ng suspect na si Ponchito Zamora, 53, na nalusutan na niya ang krimen nang unang manghingi pa ito ng tulong sa tatlo nitong kapitbahay upang isugod sa Ospital ng Makati ang kanyang 14-anyos na anak na si Jeremy Charles na umano’y nanginginig na inatake sa puso, subalit hindi na ito umabot pa ng buhay sa naturang pagamutan.
Nabisto lamang ang krimen nang magkaisang magtungo kahapon ng umaga sa Station Investigation & Detective Management Branch (SIDMB) ng Makati City Police sina Manolito Bartolome, ninong ng biktima, Novelita Arcilla at Evelyn Lacio, pawang mga nangungupahan sa paupahang silid ni Zamora at inilahad ang nasaksihang pananakit ng suspect sa sariling anak dahilan upang masawi ito.
Dahil sa naturang sumbong ay kaagad namang ipinag-utos ni Chief Insp. Dennis Macalintal, hepe ng SIDMB na alamin ang resulta ng ginawang pag-awtopsiya sa bangkay ng binatilyo kung saan natuklasan na “asphyxia by strangulation” o sa sakal namatay ang biktima at hindi sa atake sa puso.
Lumalabas pa sa pagsisiyasat na tinaguriang “special child” ang biktima at may dalawang taon na itong ikinukulong ng kanyang ama matapos patigilin sa pag-aaral.
Matapos namang madakip, agad namang inamin ni Zamora sa pulisya na nasakal nga niya ang sariling anak matapos na lumaban at tangka umano siyang saksakin nito nang magkaroon sila ng pagtatalo.
Sinabi naman ng mga testigo na madalas umanong saktan ni Zamora ang kanyang anak sa tuwing magkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kung kaya’t malaki ang kanilang hinala na napatay ng suspect ang anak nang makita nilang duguan ang bibig ng binatilyo nang hingan sila ng tulong ng huli para dalhin ito sa pagamutan.
“Kawawa naman ang bata halos araw-araw ay nakakatikim ng gulpi sa kanyang ama, hindi na nga siya pinag-aaral ay kinukulong pa sa bahay,” ayon pa sa tatlong testigo.
Samantala, bukod dito, natuklasan din na inireklamo na rin sa pulisya si Zamora ng kanyang panganay na anak na babae ng panghahalay noong taong 2005 subalit iniurong ang kaso at nagpasiyang lumayas at tumira na lamang sa kamag-anakan ng kanyang ina ang 15-anyos na dalagitang biktima.
- Latest
- Trending