MANILA, Philippines - Tuluyan ng pinatawan kahapon ng National Police Commission (Napolcom) ng anim na buwan na suspensiyon si P/Supt. Franklin Moises Mabanag at lima pang opisyal ng Quezon City Police District makaraang mapatunayang nagkasala ang mga ito ng grave misconduct kaugnay sa ginawang pagmaltrato sa pag-aresto sa mga kaanak ng namayapang asawa ng broadcaster na si Ted Failon.
Batay sa 22-pahinang desisyon ng Napolcom, bukod sa suspensiyon, sinibak na rin sa kanyang pwesto bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) si Mabanag at limang opisyal nito na sina P/Supt. Gerardo Ratuita, Chief Insp. Cherry Lou Donato, Chief Insp. Enrico Figueroa, Senior Insp. Roberto Razon Sr., at Insp. Erlinda Garcia.
Samantala, ang tatlong pulis naman na sina Supt. Marcelino Pedroza, SPO2 Jerry Abada at PO2 Joycelyn Marcelo ay pinawalang-sala ng Napolcom.
Nabatid na ang naturang pagpapataw ng kaparusahan kay Mabanag at mga kasamahan nito ay batay sa lumabas na imbestigasyon ng Inspection, Monitoring and Investigation Services (IMIS) ng Napolcom dahil sa maling pag-aresto sa hipag at kasambahay ni Failon habang ang asawa ng huli ay nag-aagaw buhay sa New Era Medical Center sa Quezon City. (Rose Tamayo-Tesoro at Ricky Tulipat)