'Tulak' ng droga, itinumba
MANILA, Philippines - Patay ang isang pinaniniwalaang “tulak” ng droga matapos itong barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Caloocan City kahapon ng tanghali. Nasawi noon din ang biktimang si Rodolfo dela Cruz, 43, residente ng Callejon St., Brgy. 150, Bagong Barrio.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Base sa nakalap na impormasyon, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa kahabaan ng Panday Pira St., Brgy. 146, Bagong Barrio.
Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang naglalakad sa naturang lugar ang biktima nang pagbabarilin ito ng dalawang kalalakihan na sakay ng isang motorsiklo.
Nang masiguro ng mga suspek na patay na ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga ito sa hindi natukoy na direksiyon gamit ang isang motorsiklo na hindi nakuha ang plate number.
Sa paunang pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumalabas na ang biktima ay kilalang tulak ng droga sa kanilang lugar at hinihinalang may kinalaman sa iligal nitong gawain ang motibo nang pagpatay dito. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending