LPG sumabog, 15 sugatan
MANILA, Philippines - Sugatan ang 15 katao kabilang ang dalawang bata matapos sumingaw at sumabog ang dalawang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na gamit sa isang gotohan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Sa nakalap na impormasyon ang mga biktima ay isinugod sa magkahiwalay na pagamutan ay nagtamo ng 1st at 2nd degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ng mga arson investigator, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa isang lugawan na pag-aari ni Melanie Arrolado na matatagpuan sa # 121 Javier St., Brgy. Santulan, Malabon City .
Base sa paunang pagsisiyasat, kasalukuyang nagpi-prito ng tokwa si Arrolado nang bigla na lamang sumingaw at sumabog ang LPG na gamit nito sa pagluluto. Dahil sa lakas ng pagsabog ay nadamay ang mga kumakain sa gotohan habang ang mga batang sina John Francis Anthony Calajati, 4; at Gale Adrian Ramos, 3, anak ng mga trabahador sa gotohan ay nasabugan din dahil kasama ang mga ito ng kanilang mga magulang habang nagtatrabaho. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending