NBI agent timbog sa pamamaril sa taxi driver

MANILA, Philippines - Isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto makaraang barilin umano nito ang sasakyan ng isang taxi driver, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Agad na ikinulong matapos na maaresto ang suspect na kinilalang si Ricardo Biboso, 53, ng NBI-NCR, Taft Avenue, Manila.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang mangyari ang naturang insidente sa harapan mismo ng Philippine International Convention Center, Roxas Boule­vard.

Batay sa reklamo ng biktimang si Raniel delos Reyes, 40, ng Aeta St., Tondo, Manila, kasalukuyan niyang minamaneho ang kanyang puting Baluyot Carrier taxi na may plakang TXU-144 nang sumakay sa kanya ang tatlong babae sa Roxas Blvd., Pasay City. Habang minamaneho ang sasakyan at pagsapit sa harapan ng PICC, napahinto umano ang biktima dahil may humintong FX taxi na nagsasakay ng mga pasahero kung saan napahinto rin sa kanyang likuran ang suspect na minamaneho ang puting Opel na may plakang NNL-561.

Nang patakbuhin na ng biktima ang kanyang taxi, biglang sumulpot sa tabi ang sasakyan ng suspect at itinutok sa kanya ang baril nito kung kaya’t dala ng tinding takot ay pinaharurot niya ang taxi upang makaiwas sa bantang pamamaril ng suspect para hindi na rin madamay pa ang tatlong pasahero subalit hinabol pa rin siya at mula sa lukuran ay binaril ng suspect ang kanyang sasakyan. Dito na siya napilitang huminto kung saan nagsitak­buhan ang kanyang mga sakay dahil sa matindi ring takot at hindi na nakabayad. Mabilis na umalis din ang suspect.

Namataan namang muli ng biktima ang sasakyan ng suspect na nakaparada sa tapat ng Phil. Trade sa Roxas Blvd. kung kaya humingi na siya ng tulong sa mga pulis at inaresto ito. Sa loob ng sasakyan ng suspect nakuha ng mga pulis ang Colt caliber .45 pistol na naglalaman ng anim na bala, dalawang magazine, dalawang empty shell ng naturang armas na hinihinalang nagmula sa baril na ginamit ng suspect sa pamamaril sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments