Shabu tiangge sa Pasig City muling sinalakay
MANILA, Philippines - Lumilitaw ngayon na bigo ang pamunuan ng Pasig City Government at Pasig police sa kampanya kontra iligal na droga matapos na madiskubre na patuloy pa rin ang operasyon ng malaking sindikato na nag-ooperate sa sinalakay na shabu tiangge matapos na muling lusubin ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, ang pagsalakay ay ginawa ng awtoridad pasado alas-4 ng umaga sa may Mapayapa Compound na matatagpuan sa F. Soriano Street sa Sto. Tomas Village sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Cielito Mindaro-Grulia of the Manila Regional Trial Court Branch 29.
Ito ay makaraang makatanggap ng impormasyon ang PDEA hingil sa patuloy na pamamayagpag ng bentahan ng shabu sa lugar. Natagpuan ng mga awtoridad ang naturang droga na nakasilid sa limang plastic bags at nakatago sa ilalim ng water tank na nasa bubungan ng nasabing bahay. Limang malalaking plastic sachet na naglalaman ng 200-300 gramo ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng PDEA sa naturang operasyon sa apat na palapag na bahay ng hinihinalang drug mastermind na si Amin Imam Boratong.
Pitong kabataan naman ang dinakip ng mga operatiba at kasalukuyang isinasailalim sa berepikasyon upang makilala at mabatid ang kaugnayan ng mga ito sa iligal na operasyon.
Nabatid na target ng operasyon ang isang nagngangalang Boy Negro at isang Umnin Salam Laduna na siyang nagpapatuloy ng operasyon. Nakatakas naman sa naturang operasyon ang asawa ni Boratong na si Mimi.
Kinuwestiyon naman ni Pasig police chief, Supt. Ramon De Jesus ang operasyon ng PDEA dahil sa natanggap lamang umano niya ang opisyal na komunikasyon para sa isasagawang operasyon kahapon ng umaga lamang kung saan tapos na ang pagsalakay.
Una nang sinalakay ng PDEA at ng Philippine National Police ang naturang shabu tiangge sa likod lamang ng Pasig City Hall noong Hunyo 2007 kung saan nadiskubre ang mala-palengkeng sistema ng bentahan ng iligal na droga sa naturang compound.
- Latest
- Trending