97 biktima ng illegal recruitment nailigtas
MANILA, Philippines - Nailigtas ng pinagsanib na elemento ng Criminal Investigation and Detection Group—Anti-Transnational Crime Division (CIDG-ATCD) at Presidential Task Force on Anti-Illegal Recruitment (TFAIR) ang 97 kataong biktima ng illegal recruitment matapos salakayin ang training center ng isang recruitment agency sa San Andres Bukid, Sta. Ana, Manila.
Ayon kay CIDG Director Raul Castañeda na ang 97 indibiduwal na kanilang nasagip ay mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay ni-recruit ng nasabing ahensya para magtrabaho sa Middle East partikular na sa Dubai, Qatar, Oman at Kuwait.
Idinagdag pa nito na ang operasyon ay isinagawa matapos na dumulog sa tanggapan ng TFAIR ang 21 biktima ng illegal recruitment sa pangunguna ni Remedios Guisinga na sa kabila ng pagbabayad ng malaking halaga sa Da’ Farmers Training Center Corporation subali’t bigo pa rin ang mga itong makaalis ng bansa para magtrabaho sa Middle East.
Matapos ang masusing surveillance operations ng maberipikang sangkot sa illegal recruitment ang Al-Alamia International Manpower Services na pinamumunuan ni Ma. Dolores Elanany na ang mga nare-recruit na indibidwal ay tinitipon sa Da’ Farmers Training Center Corporation sa nasabing lugar ay agad ikinasa ang operasyon.
Nabatid na ang mga biktima ay hinihingan ng malaking halaga ng placement fee kapalit ng trabaho sa Middle East pero sa kabila ng ilang buwang paghihintay ay wala namang nangyayari at nagagastusan lamang ang mga ito sa pananatili sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan ang nailigtas na mga biktima ay pansamantalang nanuluyan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Visayan Forum Foundation. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending