Ruby Rose inilibing na

MANILA, Philippines - Makaraang ibasura ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) ang apela ng pamilya Barrameda na payagan ang dalawang anak ng murder victim na si Ruby Rose Barrameda-Jimenez para dumalo sa burol ng kanilang ina, itinuloy rin ang paghahatid sa huling hantungan ka­hapon ng umaga sa mga labi ng huli.

Nabatid na kamaka­lawa, inilabas ni Judge Gloria Aglugub ng Las Piñas RTC Branch 254 ang isang resolusyon na nagbabasura sa inihaing motion ng pamilya Barra­meda na hindi sumasang-ayon sa apela ng mga ito para dumalo sa burol maging sa libing ng ka­nilang ina ang dalawang anak ni Ruby Rose.

Ayon naman kay Victor Lladoc, abogado ng pa­milya Barrameda na nag­karoon ng pribadong pag-uusap sa telepono si Judge Aglugub sa nakata­tandang anak ng biktima bago ilabas ang resolus­yon dakong alas-6 ng gabi, ilang oras bago ang pag­tatakda ng paghahatid sa huling hantungan ni Ruby Rose.

Dismayado naman ang 63-anyos na ina ni Ruby Rose na si Gng. Asuncion sa naging resulta ng desisyon ng korte.

“You all know how my daughter was killed, and now the sympathy of the judge still goes for them (Jimenez),” ayon pa sa ginang.

Matatandaan na ang bangkay ni Ruby Rose ay natagpuan nitong naka­raang linggo na naka-semento, ibinaon sa isang steel drum at itinapon sa karagatan na may 1.8 kilometro ang layo mula sa bahagi ng Navotas port.

Sa libing naman nito kahapon, nakasuot ng t-shirt na puti si Rochelle na may tatak sa harapan ng “Justice for Ruby Rose Jimenez” pero minarkahan ng X ang apelyedong Ji­menez at ang ilan naman ay nakasuot ng may mga katagang “No to senseless killings”.

Ayon naman sa pa­milya Barrameda na nga­yong nailibing na si Ruby Rose ay aasikasuhin nila ang pagbibigay ng kata­rungan para sa huli sa pamamagitan ng isi­nam­pang murder case laban kina Manuel Jimenez Jr., Lope Jimenez (may-ari ng Buena Suerte Jimenez Fishing and Trading Corp.), Eric Fernandez, Spike Discalzo, Roberto Ponce, Rudy dela Cruz at sa testigong si Manuel Montero na sinasabing may mga kinalaman sa “mafia style” na pamamas­lang sa naturang biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments