Rizal Day bomber inilipat na sa NICA
MANILA, Philippines - Inilipat na sa kustodya ng National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) ang isang pinaniniwalaang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na sangkot sa Rizal Day bombing sa Metro Manila. Sinabi ni Supt. Danilo Bacas, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police Office , ang suspect na si Ansar Bernardino Venancio, alyas Hasan Venancio ay itinuturong sangkot sa Rizal Day bombing sa LRT Blumentritt Station sa lungsod ng Maynila na kumitil ng buhay ng 27 katao habang mahigit pa sa 100 ang naitalang sugatan.
Si Venancio ay nasakote ng intelligence operations ng Army’s 103rd Infantry Brigade at ng pulisya sa operasyon sa Marawi City, Lanao del Sur noong Hunyo 11.
Hindi na nakapalag ang suspect na nagtangka pang tumakas matapos mapalibutan ng arresting team ng mga awtoridad na agad itong pinosasan. Sa tala ng PNP, bukod sa pagkakasangkot sa madugong Rizal Day bombing noong Disyembre 30, 2000 ay sangkot din ang suspect sa pambobomba sa Davao International Airport noong Marso 4, 2002.
Nabatid na si Venancio, isang Balik Islam at umano’y miyembro ng Rajah Solaiman Group ay nasakote sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Diosdado Yamas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 32 sa Davao Oriental sa kasong murder.
Ang nasabing suspect ay nauna nang itinurn-over ng Army’s 103rd Brigade na pinamumunuan ni Col. Rey Ardo sa kustodya ng pulisya na nagdesisyon naman itong isailalim sa kustodya ng NICA.
Patuloy namang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ng intelligence operatives ang nasabing JI terrorist. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending