MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 11 ang isang grupo ng mga bagets na kinabibilangan ng dalawang babae at tatlong lalaki na lumilinya ng panghoholdap, matapos positibong kilalanin ng mga biktima, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakatakdang ilipat sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga suspek na nasa gulang 15-17 matapos ireklamo ng mga biktimang sina Nicasio Jordan, 24; at live-in partner nito na si Jocelyn Lapuz, 24, ng Binondo.
Sa ulat ni PO3 Antonette Mortel, dakong alas- 9:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Mini Stop convenience store sa kanto ng Dasmarinas at Quintin Paredes Sts., Binondo.
Sa reklamo, sinabi ng dalawang biktima na habang naglalakad sila ay tinutukan sila ng patalim ng mga suspek na kabataan at pwersahang kinuha ang dalawang cellphone nila na nagkakahalaga ng P7,000. Nang matangay ay nagsitakas kaagad ang limang suspek kaya nagtungo sa nakasasakop na barangay ang mga biktima at doon inilarawan ang despkripsiyon ng mga suspek.
Sa isinagawang follow-up operation nadakip ang mga kabataan na tinawag ang grupo nilang “Tropang Buwaya Gang” para sa linya nilang panghoholdap. Sa kabila na menor-de-edad, burdado na rin ng tattoo ang mga katawan ng mga ito. (Ludy Bermudo)