MANILA, Philippines - Ipasasara na ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan ang mga bulok at mapanganib na dormitoryo na bulok na patuloy pa ring pinauupahan nang mura sa mga estudyante.
Ayon kay Marzan, hindi maaaring ipagwalambahala ang seguridad at kapakanan ng mga estudyante na nagdodormitoryo habang nag-aaral kung hindi naman karapat-dapat pang tirahan ang mga dormitoryo na nabubulok at marumi.
Sinabi ni Marzan na ang kanilang aksiyon ay bunsod na rin ng ginagawang pag-iingat ng pamahalaang-lunsod hindi lamang sa mga establisimyento kundi maging sa mga estudyante laban sa AH1N1 virus.
Kadalasan anyang pinamumugaran ng mga lamok at ibang insekto ang mga lumang dormitoryo na hindi na naipapalinis ng mga may-ari nito.
Ipinaliwanag ni Marzan na sasailalim sa kanilang evaluation at inspeksiyon ang mga dormitoryo upang malaman kung dapat pa itong bigyan ng permit o tuluyan nang ipasara.
Bukod sa business at sanitation permit, kaila ngan ding pumasa ang mga ito sa fire safety code. (Doris M. Franche)