MANILA, Philippines – Apat na miyembro ng kidnap for ransom syndicate ang nasawi matapos na makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Kinilala ang mga suspek na sina Rogelio Ortega, 56, ng Silangan, San Mateo, Rizal; Alberto Choy, 42, ng Angono, Rizal; Emmanuel Pineda, 54, na sinasabing lider ng grupo at naninirahan sa Cainta, Rizal. Ang tatlo ay agad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng engkuwentro , habang ang isa pang suspect na si Eric Ogdol, 32, ng Pasay City ay dead on arrival ito sa pinagdalhang pagamutan.
Ayon kay Sr. Supt. Alfredo Valdez, hepe ng Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Avenue, ng nabanggit na lungsod.
Bago ang barilan, nabatid na ang mga suspek ay sakay ng isang Nissan Sentra (TFR-968) nang balewalain ang nakatatag na checkpoint sa Blue Wave, Pasay City. Dito na nagkaroon ng habulan hanggang sa magkapalitan ng putok ng baril ang magkabilang panig na umabot ang habulan hanggang sa Parañaque.
Makalipas ang ilang minutong habulan at doon na bumulagta ang apat na kidnaper. Narekober sa mga suspek ang isang sasakyan na pag-aari ni Gerald Lao Tiu, isang Tsinoy at kidnap victim na na-rescue ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) noong Miyerkules dakong ala- 1:30 ng hapon sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal,
Gayundin, narekober sa mga ito ang kalibre .45 baril at isang 9mm na ginamit sa pakikipagbarilan, isang travelling bag na naglalaman ng iba’t bang ID at tseke ng Security Bank na nakapangalan din kay Tiu.
Matatandaan na si Tiu ay kinidnap noong Miyerkules ng umaga, sa harapan ng tanggapan nito sa Quezon City.