Kelot natagpuang patay
MANILA, Philippines – Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalake ang natagpuang tadtad ng tama ng saksak sa buong katawan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw. Sa ulat ng pulisya, isinalarawan ang biktima sa edad na 20-25, 5’3’’-5’4’’ ang taas, balingkinitan ang pangangatawan, moreno, at nakasuot ng brown short pants.
Ayon sa ulat, ganap na alas- 4 ng madaling-araw nang makita ang biktima ni Arnold Nava, barangay police security office (BPSO) ng Brgy. 95, habang duguang nakahandusay sa may kahabaan ng A. Bonifacio Park, sa Brgy. Balingasa sa lungsod.
Ilang mga residente ang nagsabi na isang lalake ang nakita nilang mabilis na tumatakbo papalayo sa lugar, bago nakita ang duguang katawan ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima at ang may kagagawan ng nasabing pananaksak. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending