Karnaper muling umiskor sa Quezon City

MANILA, Philippines – Muli na namang umiskor ang grupo ng robbery in tandem na sangkot sa insidente ng carnapping matapos na tangayin ng mga ito ang isang Toyota Innova sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Station 5 ng QCPD, ganap na alas-9 ng umaga nang tangayin ng mga suspek ang kulay gold na Toyota Innova (XTU-132) na pag-aari ni Necina Vizcara sa lungsod habang nakaparada sa R-3 pharmacy na matatagpuan sa Dhalia St., kanto ng Piat St., Brgy. Fair­view sa lungsod.

Bago nito, nagdidiskarga umano ang driver ng nasabing sasakyan na si Ramir Cruz sa lugar nang dumating ang mga suspek na nakasuot ng uniporme ng PNP at sakay ng isang motorsiklo.

Nang makita ng mga suspek na pumasok sa pharmacy si Cruz bitbit ang mga paninda, agad sumakay ang mga suspek sa kotse at tinangay ito patungo sa Sauyo Road. Iniwan na rin ng mga suspek ang kanilang motorsiklo (TS-2287) na hinihinalang kinarnap din.

Kamakailan lang dalawang kotse ang iniulat na natangay ng nasabing grupo.Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad hingi sa insidente. (Ricky Tulipat)

Show comments