1st PNP lady director 5 araw lang sa puwesto
MANILA, Philippines – Gumawa ng kasaysayan si Chief Supt. Lina Sarmiento ma tapos na maging kauna-unahang “lady director” sa National Capital Region ngunit natabunan ito ng bago ring rekord makaraang tumagal lamang ang kanyang panunungkulan sa Eastern Police District (EPD) ng limang araw.
Ito’y matapos na aprubahan ni PNP chief, Director General Jesus Versoza ang pagpapabalik kay Chief Supt. Lino Calingasan bilang director ng EPD makaraang italaga ito bilang director ng Police Security and Protection Group sa Camp Crame.
Matatandaan na nanumpa sa kanyang bagong tungkulin bilang director ng EPD si Sarmiento nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 4 ngunit agad rin namang nagbalot ng kanyang mga gamit kamakalawa matapos na lumabas ang kautusan na nagpapabalik kay Calingasan sa EPD.
Itinalaga naman si Sarmiento bilang director ng Police Security and Protection Group (PSPG) kapalit ni Calingasan. Sinabi naman ni Calingasan na muli siyang ibinalik sa EPD upang magbigay ng seguridad sa ginanap na kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng United Opposition sa Makati City.
Ayon naman sa isang source, matagal nang inaayawan ni Calingasan ang puwesto bilang director ng PSPG at mas nanaisin na manatili bilang director ng EPD kahit na maging nasa ilalim ito ni National Capital Region Police Office chief, Director Roberto Rosales kahit mas senior siya rito. Nabatid na miyembro ng Philippine Military Academy batch 77 si Calingasan habang si Rosales naman ay batch 78 ng PMA. Hindi naman sumasagot sa kanyang telepono si Sarmiento upang magbigay-linaw sa naturang isyu. (Danilo Garcia at Joy Cantos)
- Latest
- Trending