MANILA, Philippines – Kapwa nagtaas ng alert status ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng ikinasang anti-cha cha rally ng ibat-ibang grupo partikular na sa Makati City ngayong araw.
Sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Leonardo Espina na minobilisa na nila ang Task Force Manila Shield upang tiyakin na magiging mapayapa ang pagdaraos ng indignation rally sa Makati City ngayong araw.
Sa hiwalay namang panayam sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Roberto Rosales, dahilan sentro ng rally ang Metro Manila ay nasa full alert ang may 15,000 nitong puwersa.
Ayon kay Rosales, aabot rin sa 6,500 pulis ang ipakakalat sa indignation rally na gaganapin sa Makati City habang may sapat ring puwersa ang itatalaga sa bisinidad ng palasyo ng Malacañang sa Mendiola , US Embassy sa Roxas Boulevard at iba pang lugar na pagdarausan ng kilos protesta.
Isinailalim din sa red alert status ang puwersa ng AFP-National Capital Region Command (AFP- NCRCOM) ngayong araw na ito.
Sinabi ni AFP-NCRCOM Spokesman Major Carlo Ferrer, epektibo alas-7 ng umaga ngayon ay nasa red alert status ang kanilang buong puwersa.
Ayon kay Ferrer , may isang batalyon ng mga sundalo o nasa 500 Crowd Disturbance Management (CDM) Unit ang naka-standby sa Camp Aguinaldo na nakahandang tumulong sa puwersa ng pulisya sakaling magkaroon ng kaguluhan.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado na bagaman wala naman silang namomonitor na magtatangka ng destabilisasyon ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras. Idinagdag pa ng Chief of Staff na umaasa silang magiging mapayapa ang idaraos na kilos protesta. (Joy Cantos)