Galit sa misis, 100 bahay idinamay: 50-anyos sinunog ang sarili
MANILA, Philippines – Dala umano ng labis na galit matapos ang pagtatalo ng kanyang asawa, ipinasya ng isang 50-anyos na lalaki na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili habang nasa loob ng kanyang bahay, ngunit ang masaklap sa ginawa niya ay nadamay ang tinatayang aabot sa 100 kabahayan na ngayon ay walang matitirhan matapos maabo sa sunog na nilikha nito sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kaya naman dahil sa pangyayari, nagngingitngit sa galit ang mga apektadong residente sa P. Florentino St., Brgy. Sto. Domingo dahil bukod sa tirahan, wala na rin silang naisalbang mga kagamitan matapos na maabo sa naturang sunog. Bukod dito, wala na rin naman silang masisi dahil ang hinihinala nilang may kagagawan ng insidente na nakilalang si Manolo Esquivel, na nanunuluyan sa isang paupahang kwarto sa nasabing lugar ay naabo rin sa nasabing insidente.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection sa lungsod, nag-umpisa ang sunog pasado alas-4:25 ng madaling-araw sa inuupahang bahay ng biktima na pag-aari ng isang Salvador Nagtalon na matatagpuan sa #26 P. Florentino Street, ng naturang barangay.
Ayon kay Nagtalon, nang matunugan niyang tila may masamang nangyayari sa loob ng bahay ni Esquivel ay tinangka pa niyang puntahan ito pero pinigilan ng huli ang pinto, hanggang sa makita na lamang na naglalagablab na ito.
Ayon sa ulat, dahil pawang mga yari sa kahoy at light materials ang mga bahay ay madaling kumalat ang apoy hanggang sa madamay na rin ang mga kalapit bahay nito. Umabot naman sa Task Force Charlie ang sunog na idineklarang fire-out ganap na alas-7:20 ng umaga.
Tinataya namang aabot sa mahigit sa P5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala. Daan-daang pamilya ang nawalan ng tahanan. Magkagayunman, inaalam pa rin ng mga imbestigador kung may katotohanan ang bintang ng mga residente habang patuloy ang imbestigasyon na kanilang ginagawa.
- Latest
- Trending