2 traffic enforcer, timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos na mahuli sa isang entrapment, kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.
Kasabay nito sinampahan ng kasong robbery-extortion sa Manila Prosecutor’s Office ang mga suspect na sina Dionisio Gacutan, 48; at Ronald Allan Zabat, 34.
Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, nakatanggap siya ng reklamo mula kay Rev. Fr. Leopoldo Jaucian, SV, ng Filipino Chinese Catholic Community na ang dalawang traffic enforcer ay nangongotong sa panulukan ng Dasmariñas at Juan Luna Sts. sa Binondo.
Agad namang isinagawa ang entrapment operation laban sa dalawang traffic enforcer.
Dalawang piraso ng P100 bill ang inihanda ng mga awtoridad at saka nagtungo sa lugar na kinalalagyan ng dalawang suspect.
Sakay ng isang puting kotse ( WKZ-320 ) si PO2 Richard Dris, kumaliwa ito at pinara naman ng mga suspect na sina Gacutan at Zabat hanggang sa hingan ng pera. Ibinigay naman ni Dris ang P200 kay Gacutan na naging hudyat upang dakpin ang mga ito.
Nagpositibo naman sa ultra violet fluorescent powder si Gacutan, habang negatibo naman si Zabat. (Doris Franche)
- Latest
- Trending














