Ex-baÂrangay secretary pinatumba ni chairman
MANILA, Philippines - Binistay ng bala ang ulo ng isang dating barangay sec retary ng nagrorondang barangay tanod, na sinasabing inutusan ng chairman ng kanilang barangay, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ay kinilalang si Rogelio Maco, 56, ng Katuparan Condominium, Vitas, Tondo sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo.
Mabilis na nakatakas ang suspek na kinilalang si Elton Santuile, alyas “Burdado”, 45, tanod ng Brgy. 101, Zone 8, District 1, Tondo, Maynila.
Bukod naman kay Santuile, agad namang inimbitahan sa Manila Police District-Homicide Section ang itinuturong mastermind diumano na si Chairman Saturnino Grutas, alyas “Arthur”, 42, may asawa ng nabanggit na barangay at residente rin sa Katuparan Condominium.
Nabatid na isang saksi ang kaagad nagbigay ng testimonya sa pulisya hinggil sa kinalaman umano ni Chairman Grutas sa naturang krimen.
Sa ulat ni SPO4 Virgilio Martinez, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa tapat ng tinitirhan ng biktima.
Bago ang insidente, ang biktima at maybahay nito ay nagtungo umano sa kapitbahay at sinasabing nagpa-practice umano ng kanta para sa isasagawang rally.
Nang pauwi na sa kanilang bahay ang biktima ay namataan umano nito na nagro-ronda ang suspek.
Sa pangamba na kaalitan ang grupo ng suspek, pinigilan pa umano ng asawa ang biktima na huwag nang lumabas ng bahay subalit hindi nagpaawat.
Habang nakatayo sa tapat ng bahay ang biktima ay mabilis na nilapitan ng suspek na armado ng baril at ilang ulit na pinaputukan sa ulo.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso na hinihinalang may kaugnayan sa awayan sa barangay o pulitika ang motibo.
Samantala, ibinunyag din kahapon ng ilang constituent na ang barangay chairman nila ang may pakana sa pagpatay sa sinibak na barangay secretary nito.
Sa nakalap na impormasyon, ang suspek na si Santuile, ay ‘hitman’ umano ni Chairman Grutas. Si Santuile umano ay ginawang tanod ni Grutas kahit residente ito ng Malabon City.
Bukod pa rito, ibinunyag din ng mga source na kinupkop ni Grutas si Santuille kahit nagtatago umano ito sa pagiging ‘wanted’ sa Malabon City.
Nag-ugat umano ang alitan nang sibakin ni Grutas bilang secretary ng barangay ang biktima dahil sa pakikialam sa mga proyekto ng barangay.
Naghain naman umano ng kaso sa Office of the Ombudsman ang biktima ng kaso laban kay Grutas at ang pagbubunyag diumano ng katiwalian sa nasabing barangay at mga nalalaman nito.
Nang bumaba umano ang isang kautusan mula sa Ombudsman na nag-aatas kay Chairman Grutas na magpaliwanag, lalong nagalit ang huli at tinutukan ng baril ang biktima subalit naawat ito kamakailan.
- Latest
- Trending














