MANILA, Philippines – Iposas! Ito ang sinabi kahapon ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na umanoy kabilang sa ikinokonsidera nilang hakbang ng pulisya laban sa mga matitigas ang ulong mga mediamen na magpupumilit sumama sa mga delikadong operasyon partikular na laban sa mga organisadong sindikatong kriminal.
“Iposas para huwag ng sumama, baka ikamatay pa nila,” ani Verzosa na aminadong sa kasalukuyan ay wala namang protocol na sinusunod kung dapat bang magsama ng mga mediamen sa mga sensitibong operasyon.
Kumambyo naman si Verzosa sa pagsasabing kung ang pagpoposas sa mediamen ang makapagliligtas sa buhay ng makukulit na reporter, photographer at cameramen ay handa nila itong gawin.
Inihalimbawa ng PNP Chief ang kontrobersyal na Manila Peninsula siege kung saan napilitan ang mga pulis na posasan ang mga reporter na tumangging lumabas sa nasabing hotel matapos itong kubkubin ng nag-alsang grupo ng Magdalo Group sa Makati City noong Nobyembre 29, 2007.
Nilinaw naman ni Verzosa na bago isagawa ang anumang hakbang ay kailangan muna ng konsultasyon at diyalogo sa pagitan ng mga organisasyon ng mediamen saka ng mga opisyal ng PNP. Ginawa ni Verzosa ang pahayag kaugnay naman ng aksidenteng pagkakapatay kamakalawa sa photojournalist na si Jojo Trajano at si PO2 Virgilio dela Cruz sa isinagawang anti-drug operations ng Taytay Police sa Brgy. Lupang Arienda, Taytay, Rizal kamakalawa ng madaling-araw.
Samantalang rerebisahin rin ng PNP ang pagsasama ng mga mediamen sa mga police operations upang tiyakin na hindi ang mga ito mapapahamak at makakadagdag problema pa sa pulisya. (Joy Cantos)