DOTC assistant secretary sugatan sa ambush
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) makaraang tambangan ng mga hindi nakilalang salarin habang naiipit sa buhul-buhol na trapiko sa Ortigas Avenue Extension, Pasig City kahapon ng umaga.
Isinugod sa hindi na binanggit na pagamutan ang biktimang nakilalang si Elmer Soneja, Assistant Secretary for Planning and Project Development. Nabatid na ligtas ito sa kapahamakan at nasa maayos ng kondisyon.
Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa may Ortigas Avenue Extension malapit sa kanto ng De Castro Street, Brgy. Sta. Lucia.
Sakay si Soneja ng kanyang itim na Toyota Hi-Lux sports utility vehicle (ZNW-329) at naiipit sa mabagal na trapiko nang lumapit ang dalawang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang sasakyan nito.
Mabilis namang isinugod ng mga rumespondeng awtoridad si Soneja sa pinakamalapit na pagamutan kung saan lumalabas na hindi naman malala ang tama nito sa balikat at kaliwang bahagi ng katawan matapos na magawa pa nitong magpakilala sa mga opisyal ng ospital.
Ayon sa isang saksi, nakita niya ang dalawang suspek na kaswal na lumapit sa driver’s seat ng sasakyan na mismong minamaneho ni Soneja at pinagbabaril ito nang malapitan. Nagtamo ang sasakyan ng apat na tama ng bala kung saan dalawa ang tumama sa opisyal.
Agad namang tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo. Nabatid rin na posibleng may back-up ang mga salarin matapos na maispatan ng ilang saksi ang isang tricycle lulan ang tatlo pang lalaki na mabilis ring tumalilis sa lugar makaraan ang pamamaril.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng naturang pananambang na posibleng may kinalaman umano sa trabaho nito sa DOTC.
Naganap ang pagsalakay kay Soneja, isang taon makaraan ang pagtestigo nito sa imbestigasyon sa kontrobersyal na US$329 million ZTE Broadband deal na pinasok ng pamahalaan. Si Soneja ang chairman ng “bids and awards committee” kung saan dumaraan sa kanya ang lahat ng proposal na isinusumite upang inspeksyunin kung maanomalya ito.
Nagtestigo naman ito na walang maanomalya sa naturang proyekto at dumaan ito sa maayos na procedure.
Samantala, inatasan na kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang Task Force Elected Government Official { EGO} na masusing imbestigahan ang kaso ng pananambang kay Soneja.
Ang Task Force EGO ay pinamumunuan ni Deputy Director General Jefferson Soriano .
Sinabi ni Verzosa na maliban dito ay bumuo na rin si National Capital Region Police Office ( NCRPO) Director Chief Supt Roberto Rosales ng Special Task Force upang siyasatin ang motibo ng pananambang at pagkasugat sa biktima. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)
- Latest
- Trending