MANILA, Philippines – Muling dumulog kahapon sa Korte Suprema ang Social Justice Society upang pigilin si Manila Mayor Alfredo Lim sa pagpapatupad ng ordinansang nagpapahintulot sa pananatili ng oil depot ng mga kumpanya ng langis sa Pandacan, Manila.
Pinuna ng SJS na, nang unang magpalabas noon ng desisyon ang Supreme Court na nagpapaalis sa mga oil depot, saka naman tinalakay at pinagtibay ng Manila City Council ang Ordinance No. 8187 para mapanatili nang legal sa lunsod ang imbakan ng langis.
Sinabi pa ng SJS na nilabag ng ordinansa ang karapatan ng taumbayan na manirahan sa isang ligtas at balanseng kapaligiran na walang banta maging sa kanilang kalusugan.
Nagbabala din ang SJS sa panganib na maaaring idulot ng pananatili ng oil depot lalo na sa terorismo dahil sa malapit ito sa Malakanyang na posibleng madamay umano kapag pinasabog ang imbakan. (Gemma Amargo-Garcia)