Most wanted kidnapper timbog
MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga elemento ng Police Anti-Emergency Response (PACER) ang isa pang most wanted na kidnapper na sangkot sa pagdukot sa mga prominenteng miyembro ng pamilyang Filipino-Chinese sa Metro Manila at iba pang lungsod sa Luzon sa follow-up operations kamakalawa sa Allen, Northern Samar.
Kinilala nina Police Director Andres Caro, Chief ng PNP Directorate for Police Operations ang nasakoteng suspect na si Jaime Sabares alyas Billo.
Ayon naman kay PACER Chief Sr. Supt. Leonardo Espina, nasakote ang suspect sa Balicuatro Ferry Terminal sa bayan ng Allen, Northern Samar bago mag-alas-12 ng tanghali nitong Miyerkules.
Ang suspect ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Guillermo Agloro, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 83 ng Malolos, Bulacan sa kasong kidnapping.
Inihayag ni Espina na si Sabares ay kabilang sa most wanted na kriminal na may patong sa ulong P300,000.00.
Sa tala ng PACER ang suspect ay notoryus na miyembro ng Boboy kidnapping for ransom group na nag-ooperate sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog Regions na sangkot sa 13 kaso ng kidnapping for ransom na naitala mula 2003 hanggang 2009. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending