MANILA, Philippines - Walo katao ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ng isang rumaragasang tanker truck ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney bago muling sumalpok sa isa pang truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na Rogelio dela Cruz, 20; Marissa Salicob, 52; Rossa Salicob, 17; May Pacos, 53; Vergel Galanza, 30; Ergie Chiva, 22; at Orbano Danieres, na ngayon ay ginagamot sa East Avenue Medical Center dahil sa mga tinamong mga sugat sa ulo at katawan. Nangyari ang insidente sa may Edsa-Quezon Avenue flyover ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Ayon sa report, binabagtas ng naturang tanker (WJP-590) ang north bound lane ng EDSA nang biglang sumabog ang gulong nito dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at sumalpok sa PUJ (TWW-648) lulan ang anim na pasaherong biktima. Sa lakas ng impact tumilapon ng ilang metrong layo ang jeepney bago tuluyang humampas ito sa paparating na dump truck (UHK-998). Dahil dito, nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima ng nasabing jeepney kung saan ang ilan sa mga ito ay tumilapon sa labas ng nasabing sasakyan dala ng lakas ng pagkakabangga.
Nagkaroon din ng tensyon at nagpanik ang ilang sumasaklolong rescuer sa mga biktima matapos na umusok ang ilalim ng jeepney malapit sa tanker sa pag-aakalang sasabog ito. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang tunay na may kasalanan dito. (Ricky Tulipat)