BaÂrangay executive officer, patay sa ambus
MANILA, Philippines – Nasawi ang isang barangay executive officer matapos itong tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang ang una ay nakasakay sa motorsiklo, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Nakilala ang biktima na si Sergio Cabantana, 42, nakatira sa Sitio 6, Barangay Catmon ng nabanggit na lungsod, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa katawan. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga suspek.
Naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa kahabaan ng Paez St., Brgy. Concepcion ng lungsod na ito.
Nabatid na minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at habang binabagtas nito ang nabanggit na lugar ay biglang sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabi itong binaril na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek, na naglalakad lamang. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpaslang at kung may kinalaman ito sa trabaho ng biktima bilang barangay executive officer. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending