Fabella Hospital hiling maimbestigahan
MANILA, Philippines – Hiniling ng isang mag-asawa sa Department of Health (DOH) na siyasatin at suriin ang pasilidad ng Fabella Hospital dahil sa umano’y pagiging marumi na naging sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga bagong silang na sanggol dito.
Ayon kay Gomer Lope, 30, ng 1445 Kalimbas St. Sta. Cruz, Maynila, nais niyang masuri ng mga kinauukulan ang mga pasilidad ng Fabella Hospital partikular ang Neonatal Intensive Care Unit (NICU) bunsod na rin umano ng sunud-sunod na pagkamatay ng mga sanggol dito.
Sinabi ni Lope na ito ang dahilan kung bakit nais sana niyang ilipat noon ang kanyang anak sa ibang ospital. Subalit dahil na rin sa ginagawang pagsasalin ng dugo sa sanggol, hindi naisagawa ang paglilipat hanggang sa matuklasan ng kanyang misis na si Glenda ang nangyari sa balat nito.
Sa pahayag ni Glenda, nagulat siya nang makitang nilalanggam ang kaliwang bahagi ng hita at tiyan ng kanyang anak. Ang kanyang anak ay nasa incubator. Dahil dito, minabuti ni Glenda na kunan ng video ang sinapit ng sanggol. Ang pagkakaroon ng langgam ay sinuportahan din ng head nurse ng nasabing ospital.
Dito ay mas lalo pang naging pursigido ang mag-asawa na mailipat ang kanilang sanggol sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) na nagkumpirma na may sepsis na ang sanggol ng dinala sa kanila noong Mayo 21 subalit namatay din ito kinabukasan dahil nga sa naturang sakit.
Lumilitaw na bagama’t pinapalitan ang higaan ng mga namatay na sanggol, hindi naman ito nililinis na isa sa mga nakikitang dahilan ng pagkalat ng sakit sa NICU. Dalawa hanggang tatlong sanggol umano ang namamatay kada araw dito. Isang impormasyon din ang nakuha mula sa isang nurse ng hospital na isasara ang NICU upang linisin subalit mariin naman itong itinanggi ng ospital. (Doris Franche)
- Latest
- Trending