Basurero tinigok ng solvent boy
MANILA, Philippines – Patay ang isang 46-anyos na basurero nang saksakin ng ice pick sa dibdib ng isang umano’y solvent boy na nagtangkang magnakaw sa kapiranggot na kinita ng una sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga. Kinilala ang nasawi na si Antonio Dela Cruz, tubong Bulacan. Tinutugis na ng pulisya ang suspek na inilarawang nasa gulang na 24-26, kalbo ang gupit ng buhok, nakasuot ng kulay orange na t-shirt at armado ng ice pick .
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa isang nakaparadang push cart sa gilid ng pader ng P. Gomez Elementary School, na matatagpuan sa panulukan ng Fuguso st. at Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na natutulog ang biktima at live-in partner nitong si Edna Dalica, 33, habang sa kanilang tabi ay natutulog din ang isa pang pulubi na si Rolando Santos, 56, nang makitang umali-aligid umano ang suspek na noo’y sumusinghot ng rugby.
Katabi umano ng biktima ang nakaparadang kariton na nag sisilbing tahanan, na planong pagnakawan ng suspek. Nakitang kinakalkal umano ng suspek ang push cart at nang magising ang biktima ay hindi nakaporma ang suspek kaya na ‘bad trip’ umano ito at bumunot ng dala niyang ice pick sabay unday sa dibdib ng biktima.
Nagtangka pang tumayo ng biktima subalit sugatan na ito kaya muling bumagsak at tuluyang binawian ng buhay habang ang suspek ay mabilis na tumakas. Duda ang mga kasama ng biktima na hinahanap ng suspek ang kinita ng biktima sa loob ng kariton upang makabili muli ng rugby. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending