MANILA, Philippines – Tatlong lalaki na sinasabing lider ng isang sindikato ng mga batang snatcher at bukas-kotse ang nasakote ng Mandaluyong City Police sa isang entrapment operation sa kanilang kuta, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Kinilala ni Mandaluyong police chief, Sr. Supt. Carlos De Sagun ang mga nadakip na sina Rodolfo Repolyo Jr., 21; Gerry Cordero, alyas JR at Enrique Fajardo, 22. Nabatid na pawang mga miyembro ng Sputnik Gang ang mga suspek at nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Nasakote ang mga ito matapos na unang maaresto ang kanilang mga ginagamit na menor-de-edad na sina Lupin, 13-anyos at 14-anyos na tomboy na si Danica. Nabatid na inginuso ng dalawang tinedyer ang kuta at mga handler.
Sa ulat ni Mandaluyong Special Operations Group, Chief Insp. Joselito Sta. Teresa, unang nagreklamo sa kanilang tanggapan si Jesus Palmos, ng European Commission, matapos na pagnakawan siya ng mga kabataan nang pasukin ang kanyang kotse habang naiipit sa trapiko.
Agad namang nagsagawa ng operasyon ang pulisya kung saan nasakote sina Lupin at Danica nang tangkaing pagnakawan ang isang taxi. Nang isailalim sa interogasyon, dito ikinanta ng mga ito ang kanilang mga handler na siyang nagtuturo umano sa kanila kung paano mabubuksan ang mga nakakandadong pinto ng isang kotse.
Sa mga nadakip umano nila ini-entrega ang kanilang mga ninakaw ngunit pinapartihan lamang sila ng 20% ng kanilang mga natangay.
Kada gabi ay dalawang sasakyan umano ang kanilang nabibiktima lalo na kapag masikip ang trapiko sa EDSA. Modus-operandi ng sindikato na sumampa sa hood ng kotse ang isa, habang sasalisi naman sa loob ng kotse ang kasabwat kapag lumabas ng sasakyan ang driver nito upang itaboy ang nasa hood.
Matapos ito’y nagsagawa ng entrapment operation sina Sta. Teresa kung saan pinaligiran ang itinurong kuta ng mga suspek sa may Calbayog street, sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong habang mag-eentrega ng kanilang ninakaw sina Lupin at Danica sa mga suspek.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang palibutan ng mga pulis. Nasa tatlo pang menor-de-edad ang nasagip ng mga pulis sa naturang operasyon.
Sinabi pa ni Sta. Teresa na nasa 20 kabataan ang hawak ng naturang sindikato na pawang mga palaboy. Marami pa umanong tinuturuan ang sindikato na mga kabataan at hinihinala na may mga iba pang kasabwat ang tatlong nadakip.
Nahaharap ngayon sa paglabag sa Republic Act 7610 ang mga suspek at pinag-aaralan pa ang iba pang kasong isasampa laban sa mga ito. (Danilo Garcia)