'Yes, Sir' sa PNP napalitan ng 'Boss'
MANILA, Philippines - Ang “Sir, Yes, Sir” ay bahagi ng paggalang na ipinatutupad ng Philippine National Police sa mga tauhan nito bilang respeto sa mga nakakataas nilang opisyal o superior.
Ngunit, sa kasalukuyang panahon, tila ang nasabing kataga ay hindi na ipinatutupad ng maraming baguhang pulis partikular ang nagsisimula sa ranggong PO1 hanggang PO3 dahil, sa halip na sumagot ng Sir, ‘boss’ na ang ipinapalit ng mga ito bilang pagbati o paggalang.
Ito ang nasaksihan ng PSN sa tanggapan ng Quezon City Police sa Kampo Karingal matapos na isang grupo ng mga baguhang pulis na may ranggong PO1 ang nagtungo sa tanggapan ng Criminal Investigation Unit para dalawin ang isang kaibigang pulis na nasangkot sa pamamaril.
Pagsapit sa desk officer na may ranggong SPO1, sa halip na sumaludo at bumati ng Sir, parang karanggo lamang ang mga PO1 na nagsabi sa huli ng “Boss, may bibisitahin lang kami.”
Dahil matagal na sa serbisyo bilang SPO1 ay hindi ito nakatiis sa tinuran ng mga bagitong pulis at galit na sinabihan ang mga huli ng “Anong boss, ganyan ba ang itinuturo sa inyo ng mother unit n’yo. Anong boss, walang boss dito.”
Sa puntong ito, bagama’t nagpakita ng kagitingan ang nasabing SPO1, tila balewala naman ito sa mga bagitong pulis, sa halip ay nagngitian lamang.
Ayon sa isang opisyal na ayaw ipabanggit ang pangalan, masyado na umanong nagiging maluwag ang training sa mga baguhang pulis kaya nagiging arogante ang mga ito sa sandaling maging pulis na. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending