Dahil sa iPod, Kuya pinatay ni bunso
MANILA, Philippines - Isang lalake ang pinagsasaksak at napatay ng bunso niyang kapatid makaraang magtalo ang dalawa sa nawawalang iPod ng huli sa kanilang bahay sa Talon 4, Las Piñas City kahapon ng umaga.
Wala nang buhay nang maisugod sa Philippine General Hospital bunga ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Loever Chavez, 22-anyos.
Agad namang naaresto ang suspek na kakasuhan ng parricide na si Eric Vincent Chavez, 18-anyos, bunsong kapataid ng biktima.
Bago ang insidente, hinahanap ni Eric Vincent ang kanyang nawawalang iPod at una niyang pinagbintangang kumuha nito ang kaniyang kuya.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid nang itanggi ni Loever ang akusasyon hanggang sa saksakin ng suspek ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Sinabi naman ni Eric Vincent sa pulisya na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili dahil naagaw ng kanyang kuya ang hawak niyang patalim bukod sa madalas na may nawawalang gamit sa kanilang bahay na kagagawan umano ng biktima.
- Latest
- Trending