Resibo sa taxi sa Hunyo, tuloy - LTFRB

MANILA, Philippines - Nagbanta ang Land Trans­portation Franchising Regula­tory Board (LTFRB) na maa­aring maharap sa pagkakan­sela ng kanilang prangkisa ang mga taxi na hindi pa rin mag-iisyu ng resibo sa su­sunod na buwan ng Hunyo.

Ayon kay LTFRB Chair­man Alberto Suansing, simula sa Hunyo, epektibong ipatu­tupad na ng ahensiya ang issuance ng resibo ng mga taxi unit at ang hindi susunod dito ay parurusahan.

Sa naturang resibo, naka­sulat dito ang pangalan ng ope­rator; business name; address; telephone number; plate number; date; halaga ng pasahe at pangalan ng driver na naka-duty.

Ang naturang hakbang naman ay batay sa isang memorandum circular 2009-003 na naisyu ng LTFRB noong Pebrero makaraang aprubahan sa isang dialogue sa mga opisyal at miyembro ng taxi group na Philippine National Taxi Operators Asso­ciation (PNTOA) at ng Asso­ciation of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMM).

Ang naturang hakbang naman ay naaprubahan ni dating LTFRB Chairman Thompson Lantion at Board Members Gerardo Pinili at Ma. Ellen Dirige-Cabatu na nagsasabing simula sa Hunyo 1, 2009 ang lahat ng taxi unit ay hindi masusuri at mase­selyuhan ang metro kapag ang unit ay wala pang nakala­gay na meter-issuing receipt maliban sa mga taxi na may ending plate number na 1 hanggang 6.

Dapat sana ay noong Enero 2009 pa nagsimula ang issuance ng resibo ng mga taxi subalit dahil nakiusap ang mga taxi operators ay naipag­paliban ito hanggang Mayo dahil sa mag-iipon pa ng perang panggastos dito.

Ang taxi meter-issuing receipt ay dapat munang ire­histro sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Aabutin ng P1,500 ang multa sa unang offense sa di su­sunod dito, P6,000 sa second offense at sa ikatlong pagkakataon ay pagkatanggal ng prangkisa at kaukulang multa.

“Matagal na nating sina­sabi yan at nagkaintindihan na ang bawat panig, LTFRB at taxi group kayat dapat na nating masimulan yan, sa mga hindi pa rin susunod ay may naka­ amba namang ka­pa­ru­sahan diyan,” pahayag ni Suansing.

Ang pag-iisyu ng resibo ng mga taxi ay isang programa ng LTFRB at BIR para ma­itama ang nakokolektang buwis ng pamahalaan sa transport sector. (Angie dela Cruz)

Show comments