Resibo sa taxi sa Hunyo, tuloy - LTFRB
MANILA, Philippines - Nagbanta ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na maaaring maharap sa pagkakansela ng kanilang prangkisa ang mga taxi na hindi pa rin mag-iisyu ng resibo sa susunod na buwan ng Hunyo.
Ayon kay LTFRB Chairman Alberto Suansing, simula sa Hunyo, epektibong ipatutupad na ng ahensiya ang issuance ng resibo ng mga taxi unit at ang hindi susunod dito ay parurusahan.
Sa naturang resibo, nakasulat dito ang pangalan ng operator; business name; address; telephone number; plate number; date; halaga ng pasahe at pangalan ng driver na naka-duty.
Ang naturang hakbang naman ay batay sa isang memorandum circular 2009-003 na naisyu ng LTFRB noong Pebrero makaraang aprubahan sa isang dialogue sa mga opisyal at miyembro ng taxi group na Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) at ng Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMM).
Ang naturang hakbang naman ay naaprubahan ni dating LTFRB Chairman Thompson Lantion at Board Members Gerardo Pinili at Ma. Ellen Dirige-Cabatu na nagsasabing simula sa Hunyo 1, 2009 ang lahat ng taxi unit ay hindi masusuri at maseselyuhan ang metro kapag ang unit ay wala pang nakalagay na meter-issuing receipt maliban sa mga taxi na may ending plate number na 1 hanggang 6.
Dapat sana ay noong Enero 2009 pa nagsimula ang issuance ng resibo ng mga taxi subalit dahil nakiusap ang mga taxi operators ay naipagpaliban ito hanggang Mayo dahil sa mag-iipon pa ng perang panggastos dito.
Ang taxi meter-issuing receipt ay dapat munang irehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Aabutin ng P1,500 ang multa sa unang offense sa di susunod dito, P6,000 sa second offense at sa ikatlong pagkakataon ay pagkatanggal ng prangkisa at kaukulang multa.
“Matagal na nating sinasabi yan at nagkaintindihan na ang bawat panig, LTFRB at taxi group kayat dapat na nating masimulan yan, sa mga hindi pa rin susunod ay may naka amba namang kaparusahan diyan,” pahayag ni Suansing.
Ang pag-iisyu ng resibo ng mga taxi ay isang programa ng LTFRB at BIR para maitama ang nakokolektang buwis ng pamahalaan sa transport sector. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending